Stet!
May Nagsusulat pa ba ng RomCom?
Noong nakaraang araw, nakabasa ako ng isang diskurso sa X (dating Twitter) na unti-unti nang nawawala ang konsepto ng cheesy RomComs (Romance + Comedy) sa kultura ng Pelikulang Pilipino, dahil napalitan na ito ng mga kwentong hugot at realidad.
Lumaki ako sa panahon na palipas na ang RomCom sa takilya bandang 2000s, at unti-unti nang lumalawig ang konseptong realidad at walang forever pagtungtong ng 2010s. Tumataas ang kilay ko sa tuwing manonood ng mga Filipino at International RomComs upang magpatay ng oras, kahit na sa loob-loob ko’y kinikilig na ang puso ko kapag nagbatuhan na ang dalawang karakter ng mga linyang tulay sa pagkakamabutihan nila.
Marahil, kaya naging ganito ang perspektiba ko sa nasabing genre ay dahil mas gusto kong sinasampal ng realidad, na hindi lahat ng nangyayari sa buhay ay magiging gaya sa pelikula, ngunit umaasa pa rin ako na darating ang panahon na mararanasan ko rin ang mga kilig scenes na nire-record ng kamera.
Hindi lahat ng lalaki ay magiging katulad ng mga karakter nina John Lloyd Cruz, Rico Yan, Marvin Agustin, o kahit si Hugh Grant, na pakikiligin ka kahit sinusungitan ka at umaastang nonchalant sa buhay mo. Hindi rin lahat ng mga babae ay tulad ng mga karakter nina Sarah Geronimo, Jolina Magdangal, o Julia Roberts, na hahamakin ang lahat, masabi lamang sa lalaking gusto nilang mahalin na kung gaano sila kahandang pumasok sa isang relasyon, kahit hindi nila alam ang kahahantungan nito sa kinabukasan.
Gayumpaman, sino nga naman ang ayaw na maging kasingkulay ng mga pelikulang RomCom ang buhay nila?
Maranasan man lang ang mga konseptong enemies turned to lovers, friends turned to lovers, boss-employee love dynamics, at ang patok na patok na love-at-first-sight scenes sa bawat pelikulang ganito ang genre. Lahat naman siguro ng tao sa mundo, kahit sabihin nilang hindi sila tinatablan ng kahit anong kilig sa katawan kapag nanonood ng RomCom, ay nanaising mahalikan ng taong minamahal nila sa gitna nang maraming tao, tapos susulpot ang malaking wakas, end, o fin para maging happily ever after na ang istoryang pangtakilya.
Ang maikling kuwentong ito ay aking kabayaran sa pag-iwas na magsulat muli ng piksyon na libre, para sa mga nakakapagbasang masa. At dahil panahon ng NSPC 2024 ngayon, inaalay ko ang kuwentong ito para sa lahat ng mga batang presscon na cheesy, hopeless romantics ngayon. Mabuhay tayong lahat, at mabuhay ang malayang pamamahayag!
I.
Bawat distrito, dibisyon, at rehiyon sa Pilipinas, pinaghahandaan ang pagsalta sa National Schools Press Conference, o NSPC, na nakatatak sa alaala ng karamihan. Sa bawat patimpalak na nagsisimula at nagtatapos, libo-libong estudyante mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang nagkakasalubong, nagkakakilala, at nagtatagisan ng galing sa pamamahayag.
At sa bawat presscon na dinadaluhan ni Sandy sa tanang buhay niya, iisang lalaki lang ang nais niyang makasalubong, ilang ulit man ang lumipas.
Nagsimula ang lahat sa tagisan nila noon sa Division Schools Press Conference 2009. Grade 5 si Sandy at siya ang pambato ng kanyang paaralan para sa Copyreading and Headline Writing. Kung ang ibang mga mamamahayag ay nagpapagalingan sa pagsusulat ng iba’t ibang uri ng mga balita, pagandahan ng napipitik sa digicams, pagalingan ng drawing at shades sa cartooning, o paangasan ng boses at tugtugan sa radio broadcasting; tradisyunal at pagiging metikuloso ang labanan sa kanyang kategorya. Dapat maging maalam sa kung ano ang mga mali, ano ang dapat baguhin sa artikulo, at kabisado ang mga simbolong magiging alas sa pagkapanalo.
Halos isang buwan na tinuruan ng kanyang school paper adviser (SPA) si Sandy. Dahil mabilis makamemorya ang paslit, at hasang hasa ito sa balarilang Ingles bilang anak ng mga English Teacher; hindi nag-atubili si Gng. Maranan na isabak agad ang bata sa Division, kahit Grade 5 pa lamang ito. Kampante siya na makakamit ni Sandy ang gintong medalya tungong regionals, at kung papalarin, pati na rin sa nationals.
Ginawa ni Sandy ang lahat ng mga orasyong sinabi ng kanyang guro, para hindi siya kabahan sa kompetisyon:
- uminom ng probiotics drink nang kumalma ang tyan at ‘di mataranta sa kaba
- umupo malapit sa bintana upang may panahong magmuni-muni kapag hindi na niya alam ang susunod na aksyon
- ipatasa sa magulang ang mga lapis na gagamitin sa contest bilang “good luck charms”, at
- magdasal ng rosaryo bago ibigay ng proctor ang artikulong che-chekan niya nang isa’t kalahating oras.
Higit sa lahat, nang maayos ni Sandy ang artikulong mali-mali, hinintay niya munang matapos ang mga kalaban bago ilapag ang kanyang papel. Ang rason? Para ang kanyang papel ang magiging standard ng bawat judges na kikilatis sa kanyang gawa.
Matapos ang kanyang patimpalak, susunod namang kalbaryo ng musmos ang paghahanap kung saan tumatambay sina Gng. Maranan at ang kanyang mga kamag-aral na tapos na rin sa kanilang mga indibidwal na kompetisyon.
Sa pagtapak ng kanyang mga paa sa hagdang kahoy na matarik, muntikan na siyang madulas dahil sa nakatiwangwang na yellow pad paper sa papag. Kinuha niya ang papel, at napansin na ito’y draft sa kategoryang News Writing. Naka-ipit sa loob ang fact sheet ng huling SONA ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo, ang topic na ipinasulat. Naupo siya saglit sa hagdan, kinuha ang kanyang lapis sa pencil case, at sinimulang kilatisin ang artikulo kung may mali ba dito kaya ito’y napabayaan.
Ngunit, sa unang pagkakataon bilang Copyreader, namangha si Sandy na halos perpekto para sa isang elementary student ang nakuha niyang artikulo. Maski ang kanyang mga kasamang Grade 6 students sa school publication ay hindi kayang gumawa ng ganito ka-ayos na draft, matapos niyang pag-praktisan ang lahat ng mga ito bago ang patimpalak. Dahil sa kagalingan ng manunulat, at sa kanyang pagkakamali ng pagwawasto sa ibang talata, natuwa siyang makapagsulat ng simbolong stet! sa artikulong hindi pangsanay o ipapasa sa contest.
“Oy, akin ‘yan!”
Umalingawngaw sa pasilyo ang sigaw ng batang lalaki, kasabay ang kaskas ng kanyang mga sapatos sa kafo-floorwax lamang na sahig.
“Bakit, inangkin ko ba? Ang sungit mo!” sagot ni Sandy na nakapamewang sa hagdan. “Pasalamat ka nga, may stet ‘yang gawa mo eh.”
“Pakialam ko, akin na ‘yan o isusumbong kita sa teacher ko!”
“Edi isumbong mo!”
Habang papalapit sa kanya ang batang lalaki, hindi malaman ni Sandy kung bakit biglang nag-init ang kanyang mga pisngi. Bumibilis rin ang pagtibok ng kanyang dibdib, habang nagsisimula nang maging malikot ang kanyang kalamnan.
Tapos na ang contest, pero mukhang delayed ang reaksyon ng kanyang katawan sa kaba.
Dahil sa ‘di malamang dahilan, napasigaw si Sandy at naibato sa batang lalaki ang mga papel. Nawala naman sa balanse ang paslit dahil sa katarikan at bagong floorwax rin na hagdan. Hinila niya sa kamay si Sandy, dahilan upang sila’y dumausdos pababa. Nabalot ng nakaiiritang iyak ang paligid, at nagtamo ng mga galos at pasa sa mga binti at kamay ang dalawa matapos mauntog nang ilang beses sa kahoy na hawakan. Nagsitakbuhan ang ilang mga mag-aaral na kagagaling lamang sa nakakapagod na patimpalak, upang maki-usyoso sa campus journalists na hindi maawat-awat sa kanilang bardagulan.
“Ang bad mo, I hate you sana ‘di ka manalo kahit maganda article mo I hate you!” sigaw ni Sandy na pinupunasan ang kanyang uhog.
“I hate you rin sana hindi ka rin manalo ang panget mo umiyak!” sigaw naman nito pabalik habang binabato si Sandy ng mga papel galing sa kanyang pad paper.
“Manolo, what happened?! Bakit ganyan ka magsalita sa iba, ha?!” sigaw ng natatarantang SPA sa dalawang bata. “Oh my God, asaan na ang adviser mo, neng, sorry sa ginawa ng alaga ko!”
Dumating sa wakas si Gng. Maranan at nanghingi ng pasensya sa kapwa niya SPA. Dinala nila ang dalawang bata sa clinic, at pagdating ng awardings, nangyari ang sumpa nila sa isa’t isa — parehas silang hindi nanalo.
Umuwing luhaan at tadtad ng band-aid si Sandy, at sinumpa niya na huwag ulit makita si Manolo matapos nitong sirain ang kanyang unang alaala sa campus journalism contests.
DSPC 2010, ni anino ni Manolo, hindi nakita ni Sandy sa presscon. Nasungkit niya ang 5th place sa Copyreading and Headline Writing sa Division, at nakamit niya ang 3rd place sa Regionals. At nang naganap ang NSPC 2011 sa Butuan, naging kampeon sa kategoryang Copyreading and Headline Writing ang onse anyos na si Sandy Iris Juliano. Nagdaan pa ang maraming taon, at naging NSPC qualifier siya nang tatlong taon. Taon-taon, sumasagi na rin sa isipan ni Sandy si Manolo.
2014, naging 7th placer siya noong 4th year high school sa Regionals, ang pagtatapos ng kanyang streak bilang NSPC qualifier. Mas nainis siya sa kanyang sarili dahil sa pag-iisip na baka, kung kailang hindi siya nakapasok sa Nationals, saka naman nanalo si Manolo. Ilang beses niyang hinihintay sa bawat kategorya na masambit ang pangalang Manolo, nagbabakasakaling nasa ibang paaralan, dibisyon, o rehiyon ang lalaking nagpaiyak sa kanya noong 2009. Taon-taon siyang nadismaya, pero nagnanais pa rin na balang-araw ay makukwento niya ang naging tahak ng buhay matapos nilang mag-away sa DSPC.
Kalaunan, nag-aral ng kursong Journalism si Sandy sa isang prestihiyosong unibersidad sa Pilipinas. Mas gumaling siya sa pagsusulat, at pagwawasto ng mga artikulo at akda. Naranasan rin niya sa panahong ito ang unang pag-ibig, at unang kasawian sa pag-ibig.
Nakapag-internship siya sa ABS-CBN dahil sa kanyang kredensyal bilang campus journalist sa elementary at high school. Wala ring palya ang pag-uusap nila ni Gng. Maranan, na proud na proud sa alaga niyang pinili magpakadalubhasa sa pamamahayag, kahit na mahirap ang landas sa rehimeng Duterte, dahil sa paglaganap ng red-tagging at tokhang.
“So break na talaga kayo ng nakasama mong schoolmate during the internship?” tanong ni Gng. Maranan kay Sandy habang sila’y naghahapunan sa U-belt area.
“Yep… I guess our feelings developed because of convenience. 6 months kaming nagdadamayan sa problema sa practicum… What do you expect, edi kami na rin nagjowaan! Pero wala eh, gago, ginawa akong rebound.”
“Ikaw talaga, huwag kasi masyadong magmadali sa love-love na iyan, hija… Dadating rin ang right time para sa ganyan! Malay mo, nasa presscon pala noon yung para sa’yo!”
“Sino naman ‘yan, huwag mo po sabihin na si Manolo!” patawang sagot ni Sandy sa kanyang dating SPA. “Tingin ko nga, naduga yun sa Division dahil ang ayos ng news article niya, pero hindi man lang naka-place sa Top 10. Pustahan, siya lang ang contestant na gumamit ng words na probe, precedent, at vicious sa news article.”
“Manolo? News writing? Teka, makasabi ka namang naduga, eh malay mo, pro-Gloria yung judge nila kaya niligwak siya sa paglalagay ng vicious…” pagtataka nito. “Ah! Manolo, yung nakaaway mo na Grade 6 student! Grabe, salamat talaga sa Diyos at pinayagan ka pa rin ng parents mo sa Journ after mong magalusan dahil sa away niyo.”
“Ma’am, I swear, after that, hindi ko na talaga siya nakita sa presscons.”
“Hija, hindi mo na talaga siya makikita sa presscon after 2009. Sabi ni adviser niya sa’kin noong sumunod na DSPC mo, nasa Australia na si Manolo, doon na nag-settle family niya.”
“Ah… Kaya naman pala,” buntong hininga ni Sandy. “Baka naman nabading na yun. Lahat ata ng competitive dati na lalaki sa journ, nagiging Dyesebel!”
“Eh paano kung hindi nag-journ?” pagpupumilit ni Gng. Maranan.
“Edi less hassle siya sa buhay!” na kanila namang tinawanan sa katotohanan ng kanilang napasok na propesyon. “Pero sa totoo lang, ma’am, dahil sa article ng lalaking ‘yon, napamahal at nagkaroon ako ng confidence sa pagiging Copyreader. Gusto ko, ganoon ginagawa ko araw-araw, basta kasing galing niyang magsulat yung che-checkan ko.”
Taong 2019, natapos ni Sandy ang kolehiyo, na-absorb siya ng ABS-CBN, at nagtrabaho bilang Researcher. Unti-unti na niyang nararating ang rurok ng kanyang pangarap na maging Executive Producer balang araw ng mga dokumentaryo at news programs.
Ngunit, kailangan niyang lisan ang propesyon matapos tanggalan ng administrasyong Duterte ng prangkisa ang ABS-CBN, na sumabay sa panahon ng pandemya noong 2020. Kasama siya sa 4,000 manggagawa ng network na nawalan ng trabaho.
Ginawa niya ang lahat upang maiahon ang sarili, at ang buong pamilya noong pandemya. Nagsimula siyang mag online selling, online tutoring ng mga bata, at maging freelance news writer sa iba’t ibang local at international online publications. Sapat na ang kita para makakain araw-araw, pero kailangan pa rin niyang makahanap ng trabaho na iaahon siya sa kamalasan ng buhay.
II.
Sa ‘di inaasahang pagkakataon noong 2021, nang nagsimulang manumbalik ang ekonomiya sa mga paliparan, kinausap ni Gng. Maranan si Sandy patungkol sa isang job offer. Bilang utang na loob sa pamilya Juliano matapos siyang tulungan sa gastos nang mamatay ang kanyang asawa sa COVID-19, inabisuhan niya si Sandy na hiring ang international airlines na pinagtatrabahuan ng kanyang panganay. Nangangailangan ang kompanya ng mga bagong flight attendants na sasagot sa biglaang demand ng cabin crews.
Malayong-malayo man sa pangarap ni Sandy bago ang pandemya, hindi na nagdalawang-isip ang dalaga at agad na nag-apply, dahil alam niyang makakapagbigay naman ito ng malaking kita para sa kanyang pamilya. Dahil sa kagalingang ipinamalas sa interbyu, agad-agad siyang ipinadala sa Dubai upang doon mag-training at manirahan.
Buwan-buwan, iba’t ibang mga bansa ang nabibisita ni Sandy bilang flight attendant. Hindi ito ang pangarap niya sa buhay noong bata siya, ni hindi niya nga nakita ang sarili na magiging ganito, pero masaya siya sa nagagawa niya ngayon. Naisama na niya sa mga bakasyon abroad ang kanyang pamilya, at walang hanggang pasasalamat ang kanyang ibinibigay kay Gng. Maranan na naging tulay sa buhay niyang marangya. Hindi niya namalayang magta-tatlong taon na siya sa trabaho ngayong 2024.
She’s living the hustle culture dream, ika nga ng karamihan. Pero sa loob-loob ni Sandy, kung may oportunidad na bumalik sa pamamahayag, ngayong may na-impok na siyang pera para sa pamilya, at ma-aassign sa pagco-cover ng mga balitang hinahanap ng kanyang diwa — spy drama ni Alice Guo, West Philippine Sea, at ang Unity sarzuela nina Pang. Bongbong Marcos at VP Sara Duterte — hahamakin niya ang lahat kapag dumating ang tamang panahon para dito.
Nababasag nga lang ang kanyang intrusive thought na mag-apply ulit sa newsrooms, dahil sa lagian niyang pakikipagchikahan sa college friend na si William, isang news reporter sa GMA.
“Li, kahit sabihin mong kaladkaren ako dito sa Dubai, at nakakapunta ako sa iba’t ibang bansa kada linggo… Teh, ayoko na, ‘di ako si Darna huy!”
“Gagang ‘to, sino bang nagsasabi sa’yo na maging superhero ka?! Mhie, yung journ fever mo, kaya ko pang masikmura eh, pero ‘yang katangahan na hindi gamitin ang vacation leave, likadito sa Manila, elbow ka sa’kin!” pangangaral ni William habang siya’y nagpapahinga sa newsroom.
“Grabe, na-miss ko lang naman magtrabaho sa newsroom eh. Tignan mo, lagi akong huli dito sa balita…” na inirapan lang ng kanyang kaibigan. “Kaya nananalo ang mga kurakot sa overseas votings eh, eme!”
“Oh siya, gusto mo bang maging memorable ang sponti leave mo?”
“Ano na naman plano mo, aber?”
“Anong araw na ba ngayon? June 16, tama?”
“Oh, tapos?”
“Naaalala mo yung gina-research natin na si Julian Assange? Yung founder ng Wikileaks na nagtago sa Ecuadorian Embassy sa London, tapos nahuli ng mga pulis months bago tayo grumaduate? Ang chika ngayon ng mga journo sa far-away, baka within this week, mag-sign na ng plea agreement si Assange after niyang mag-appeal last May laban sa extradition case niya sa US. Oh, edi bukas, mag-file ka na ng leave, at simulan mo nang isipin kung saang lugar lilitisin ang ating favorite whistleblower. Kaya mo na ‘yan, cum laude ka naman.”
Habang nagsasalita si William sa kanyang laptop, animo’y may switch sa utak si Sandy nang narinig ang pangalang Julian Assange, at naghalungkat agad sa tokador upang maghanap ng notebook na minsan niya lang nagagamit. Hindi pa tapos ni William ang paglalahad ng impormasyon, pero lumilipad na ang utak ni Sandy dahil sa pag-iisip na kung saan nga ba pwede malitis ang Robin Hood ng investigative journalism.
Tumatakbo ang oras habang nag-iisip si Sandy. Gusto niyang magbakasyon, at gusto niya rin maging mamamahayag ulit, kahit ilang araw lang. Alam din niya na kapag napag-alaman na ng media kung saan lilitisin si Assange, magkakagulo na sa pagbo-book ng flights ang mga ito.
“William, ang sabi mo, ayaw ni Assange magpalitis sa US mismo, korek? What if sa US territories?”
“Lima lang ang US territories, mamili ka doon.”
“What if gusto niya ng convenience pabalik sa Australia? Hindi ba’t Australian citizen siya kaya nga hindi siya pwedeng masaklaw ng US Espionage Act?”
“Okay, piliin mo na lang, Guam o Northern Mariana Islands?”
“Nakabisita na ako sa Guam last year, sigi, sa NMI na lang.”
“Ang ayos din ng logic mo minsan, Sands, ano? Appreciate kita dyarn!”
Kinabukasan, nag-file agad si Sandy ng leave, nag-book ng round-trip flight mula June 18 hanggang July 01 sa Saipan, at nagsimulang manalangin na tama ang prediksyon ng kakilala ni William, pati ang kanyang panghuhula na sa Saipan lilitisin si Assange.
Hindi nagtagal, naging tama ang mga prediksyon, at makakalaya na si Assange sa huling linggo ng Hunyo, matapos itong pumirma sa plea agreement laban sa kanyang mga kaso sa Amerika noong June 19. Masayang byumahe sa himpapawid si Sandy, na sa wakas, umayon ang lahat sa nais niyang mangyari.
Pagtungtong niya sa Saipan noong June 22, tahimik ang paligid, animo’y nalalapit na ang bagyong magpapabuhay sa payak na kapuluan ng gitnang Pasipiko. Dahil sa jetlag, napagdesisyunan niyang manatali muna nang buong araw sa hotel. Nang mahimasmasan, sinimulan niya ang pag-island hopping mula sa tourism package na nakuha sa hotel.
June 25, napansin niyang dumarami na ang tao sa hotel. Nagkakagulo na ang mga staff sa last-minute bookings na ginagawa ng mga mamamahayag. Nalagi siya saglit sa lobby upang obserbahan kung paano nga ba gumalaw sa likod ng kamera ang mga respetadong mamamahayag mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
May magagalang, may demanding, at hindi rin mawawala ang mga walang modo. Karamihan sa mga staff ng hotel ay Pinoy, kaya hindi sila nagkamayaw na pagkwentuhan ang mga mamamahayag sa paligid. Kinalaunan, naupo si Sandy sa beachfront ng hotel. Binabasa niya ang dyaryong lokal ng Saipan, at hindi niya maiwasang wastuhin ang mga artikulong naka-imprenta — kung may mawawasto nga siya sa mga ito.
Gamit ang lapis na libre niyang nakuha sa silid, sinimulan niyang magwasto. Hindi niya namalayang may lalaking kanina pa siya inoobserbahan sa pagiging metikulosa sa paglalagay ng mga AP copyreading symbols sa dyaryo.
“Pinoy?” tanong ng lalaking napaupo sa bakanteng upuan sa harap ni Sandy. “Only Filipino journalists are being trained to do such fancy copy editing these days.”
“Pinoy journalist ako… Dati.”
“Eh ba’t nandito ka ngayon sa Saipan?” patawang sagot ng lalaki bago niya inumin ang buko juice na dala-dala. “Ang laking coincidence naman while this shit is happening here.”
“Pwede ba, may jetlag ako, at hindi ako si Julian Assange para interbyuhin mo for today’s video!”
“Ang sungit naman ni kababayan…”
Nang nakaalis na sa upuan ang lalaki, inunat ni Sandy ang kanyang mga paa’t napahalakhak. Hindi niya sukat akalaing kaya pa niyang magsungit sa ibang tao, dahil ilang taon na niyang trabaho ang magpakabait sa eroplano, kahit gago pa ang pagsisilbihang pasahero.
“Hey Manolo, could you please contact Sydney that we’ve just arrived at the hotel? Assange might be here soon, so let’s prepare our itinerary. Also, ask them who’s gonna be the newsreader in the studio for tonight’s broadcast. Thanks, buddy!”
Nagpintig ang tenga ni Sandy at agad siyang dumungaw sa likod. Nanlaki ang mata niya nang makita ang Australyanong may matigas na accent, ay nakikipag-usap sa Pilipinong pilit siyang kinakausap kani-kanina lamang.
Maraming mamamahayag ang may ngalang Manolo, pero imposibleng marami ring Manolo na epal, taga-Australia, at kayang obserbahan na may background sa Philippine Journalism ang isang kapwa niya mamamahayag base sa kung paano siya magwasto ng mga artikulo.
Pagkalayas ng kausap ni Manolo, dali-daling tumakbo si Sandy papalapit sa kanya at kumalabit, “Division of City Schools Manila, Elementary Schools Press Conference, 2009, tanda mo pa?”
“What?!”
“Aalalahanin mo, punyeta, rumolyo tayo sa hagdan ng Legarda Elementary School!”
Nalilito lalo si Manolo kung ano ang dapat gawin, ngayong hinahabol na siya ng babae sa hallway habang paakyat na dapat siya, upang gawin ang kanyang responsibilidad bilang producer.
“What the hell-”
“May amnesia ka ba-”
“Sandy?!”
Ang akala niya’y matatagpuan muli sa pangkampus na presscon, ay kanyang natagpuan sa pagsasama-sama ng mga mamamahayag, at mga nagmamahal at may respeto sa pandaigdigang karapatan ng malayang pagpapahayag. Halos isa’t kalahating dekada niyang hinintay na makaharap muli ang kanyang Journcrush magmula nang siya’y nangarap na maging periodista, at hindi na niya alam ngayon kung paano ito kakausapin.
“Wait, oh my God- I am very sorry hindi na kita nakilala-”
“Nah, that’s fine, Sandy. Come on, we were stupid kids back then! Ang petty pa ng pinag-awayan. Ganito, I’ll finish my duties with my correspondent today, and then, let’s go out for dinner, my treat. Okay?”
“Teka, paano-”
“I’ll ask the concierge to call your room, I promise!” yakap bigla nito kay Sandy, sabay sara ng elevator.
“Gagong ‘to,” bulong ni Sandy habang pinipindot ang up button. “Hindi pa’ko pinasakay.”
Sa kanyang kwarto, agad-agad siyang nahiga, kinuha at tinalukbong sa mukha ang unan, at naglumpasay sa kakiligan.
“Sandy shuta ka hanggang ngayon hindi mo pa rin alam kung ano’ng surname ni Manolo?! Ano, charades tayo dito ng facial features? At saka, baka may jowa na ‘yan o paminta overload, ikaw lang iiyak sa ginagawa mong kaharutan!” pambabasag ni William sa deluluship ni Sandy. “Kung ako sa’yo, maghanap ka na ng condom mamaya dahil kung straight si otoko, malaki ang chance na KKK gagawin sa’yo.”
“Apakanega mo William, nagisa ka ba ngayon sa newsroom na pati ito, naiisipan mo nang masama?”
“At masyado ka na bang traumatized sa past exes mo, na kinikilig ka na sa super duper bare minimum? Ante, niyakap ka dahil nagulat siya, at niyaya ka sa dinner dahil gusto ka niyang kumustahin, hindi dahil love of your life mo na siya, okay?”
“Myghad Li shatap mag-beauty rest muna ako nang matanggal kanegahan mo ngayong umaga. Babush labyu!”
“I mean… Kung gwapo naman tulad ng kinekwento mo, edi go pakarat ka na para magkaroon ako ng cute na inaanak-”
“William anuba-”
“Che, mag-ingat ka dyan gaga ka! Labyu!”
Matapos ang ilang oras na paghahanap ng kanyang personal account, nalaman na rin ni Sandy ang buong pangalan nito: Manolo Elijah Weir-Toledo. Hindi na siya nagtataka kung bakit magaling ito sa Ingles noong bata pa sila, dahil ang ama mismo ng binata ay puti. Wala nang dagdag na impormasyon sa internet galing kay Manolo mismo, dahil naka-private ang mga account nito.
Pero dahil double-barrelled ang apelyido, madali lang malaman kung sino ang mga kamag-anak nito. Sa posts ng nanay niyang Pilipina sa Facebook, may Ate ito na ang pangala’y Ximena, isang Geologist sa Northern Territory. May aso silang Golden Retriever na nagngangalang Yoomi, at Finance Officer sa bangko ang kanyang ama.
Hindi niya maiwasang ikumpara ang kanilang pamilya sa isa’t isa. Habang ang magkapatid na Weir-Toledo ay kusang bumukod sa magulang dahil sa trabaho, ang tulad niyang panganay na nangangailangang suportahan ang tatlo pang kapatid ay napilitang mag-abroad para sa malaking kita. Sa baba ng sahod ng mga magulang na guro, kahit promoted pa sa pagiging department heads ang mga ito, at dahil sa pagiging saklaw sa K-12 curriculum ng mga batang kapatid; nainis na lang siya sa realidad na pag-aabroad pa rin ang sagot sa kayamanan ng kanyang henerasyon.
“Buti pa sila, sariling bansa ang nakikinabang sa mga kakayanan nila,” sambit ni Sandy sa hangin, sabay patay ng cellphone.
III.
7:30 PM, tumunog ang telepono sa kwarto ni Sandy, hudyat na naghihintay na sa baba si Manolo.
Nagpunta sa Filipino restaurant ang dalawa at doon naghapunan. Nagkumustahan, at naikwento ni Sandy ang nangyari sa kanyang buhay bilang mamamahayag sa Pilipinas. Nakisimpatya si Manolo sa nangyari, at namangha sa katatagan ng dalaga na magbago ng propesyon para mataguyod ang pamilya at sarili.
Samantala, kwinento naman ni Manolo ang nangyari sa kanya nang napagdesisyunan ng kanyang ama na dalhin sila pa-Australia.
“My Abuelo was on the deathbed when we moved to Brissie. I need to adjust both with school and dealing with my grandfather’s loss,” paglalahad nito. “Mom was strict, dapat daw hindi ko malimot ang pag-Tagalog, so I had a huge crisis during junior high. I want to be different, but I also want to fit in with the Aussies. It was tough, you know! I guess, my Ate got it easier than me, she’s the more adventurous type of person, perfect for our dad’s country.”
“So paano ka naging journo after?”
“Walang school press conferences doon, but we have a school publication. That’s where I got back on track, noong senior high school.”
“So nag journ school ka for undergrad?”
“No, nag film and TV school ako, got a Diploma of Screen and Media. Going to unis’ hella expensive. After that, I got some luck, landed a job in ABC News Brisbane thanks to my mentors, and then got transferred to the headquarters in Sydney during the pandemic because they needed younger crews. It seems like the oldies either retired early or died from COVID. Still a long way from producing docufilms with the bigger guys in international bureaux or war correspondence, but hey, it’s a great start!”
“Yeah, mas okay talaga maging producer kaysa sa TV reporter! Iba-bash ka pa sa internet kapag mali ang iyong pronunciation… Pronunciation?!” na kanila namang tinawanan.
“Look, I am really curious, since you have a background in Journalism before joining the cabin crew, ikaw ba ang announcer for flights?”
“Oo, madalas kapag flights pa-Manila dahil kailangan din ng Tagalog announcement… Kahit ilang beses kong sabihin na ‘di ko major ang broadcasting, aba, ako pa rin sinasalang.”
“And how do you do it?”
“Something like… Ladies and gentlemen, please watch the airline’s in-flight safety video, which will flash on your screen. Thank you! Ganern-”
“Hey it is not that bad-”
“Anuba naka-vacation mode utak ko tapos pinaggaganyan mo ako! Wait nga, may plans ka bang magka-Bachelor’s degree or Masteral?”
“I can try with ladder programs out there or overseas… Maybe next year or two? Let’s see…”
Matapos kumain ng Adobo, Kare-Kare, at Sisig; lumantak ng Halo-Halo at umorder ng tig-dalawang bote ng SanMig; napagdesisyunan ng dalawa na maglakad-lakad sa Beach Road. Para silang nasa Pilipinas dahil naririnig nilang nagta-Tagalog ang ibang tao sa paligid, naglipana ang mga manong na nagyayayaan ng sugal, pero bandera ng Amerika ang nakataas sa flagpole ng isang pampublikong paaralan.
Habang inaayos ni Manolo ang kanyang sintas, naitanong niya bigla, “So you’re telling me, kaya ka nasa Saipan ngayon, ‘coz you want to see Assange in the flesh?”
“No, It’s just… How do I explain this- Gusto kong maging journalist ulit.”
“Sandy, you know, you can still become a community journo, right? Pwede ka naman mag-publish ng articles or videos online without being under news publications.”
“That’s not the point! Ang akin lang, I want to feel the adrenaline of doing news coverage after being out of the field for years. Iba yung nasa backseat at front row ng history!”
“Or… You’re just too canon, that the concept of journalism for you is being traditional. As a flight attendant, you are on the front row of history with all the VIPs you’re accommodating. Your choice whether you want to write articles about it or not.”
Sa beachfront ng hotel, naupo muli ang dalawa at nagmuni-muni. Sa paghampas ng alon sa dalampasigan, at pagdampi ng hanging dagat sa kanilang balat, napagtanto ni Sandy na tama rin naman ang mga nasabi ni Manolo. Masyado niyang kinahon ang ideya ng pagiging mamamahayag sa tradisyunal na pananaw. Hindi niya namalayan, pwede niyang balikan ang bokasyon sa mga paraan na hindi makikita sa kahon ng kanyang isipan.
“Okay, we may have differences with how we see this, but because of what you’ve told me, are you free tomorrow, Sandy?”
“Ha?! Bakit, saan- saan tayo pupunta?”
“Courthouse, we’ll cover Assange, remember? Sumama ka na, you want to do news coverages, so I’ll tell Giorgio you’re a freelance journalist here.”
Hindi maipinta ni Manolo ang reaksyon ni Sandy sa kanyang ideya. Walang imik, namumula, unti-unting bumibigat ang paghinga…
“Sandy I think you have a low alcohol tolerance-”
“Oo tama ka lasing na ata ako. Thanks for tonight, Manolo, see you tomorrow!”
Kumaripas ng takbo pa-elevator si Sandy. Tinatawagan niya si William, pero busy ang linya ng kanyang kaibigan. Gusto niyang tawagan ang kanyang mga kapatid at magulang, pero naalala niyang hindi nga pala nila alam na naka-leave siya ngayon. Dahil sa kadesperaduhang magkaroon ng kausap na makaka-relate sa nararamdaman niya ngayon, wala siyang choice kundi tawagan si Gng. Maranan.
“Ma’am, I’m very sorry for this inconvenience… Pero hindi ka maniniwala sa nangyari sa akin ngayon. I think Manolo and I just had a date?”
“Si Manolo?! Jusko, nasa Australia ka ba ngayon at nagkasalubong kayo ng landas?!” ani Gng. Maranan na halos isang minuto bago mag sink-in sa kanya ang kinekwento ni Sandy.
“Hindi po, nasa Saipan ako ngayon, I’m on leave, and please, huwag na lang kayong maingay kina Mommy… Magtatampo na naman at hindi ako umuwi sa Maynila. Lilitisin kasi dito si Julian Assange bukas, halos lahat ng mga broadcasters at journalists, nasa Saipan ngayon.”
“So journalist na si Manolo?”
“Yep… Under prod team ng ABC News, sana all.”
“At ikaw, bakit ka nasa Saipan ngayon, ha?”
“Kasi journalist pa rin ako…”
Hindi alam ni Gng. Maranan kung ano ang maipapayo sa kanyang alaga. Kaya niyang payuhan si Sandy tungkol sa kanyang forte. Ibang usapan na kapag date at relasyon. Mas lalong komplikado na hindi man lang nito naitanong kung may ka-relasyon na si Manolo, at kung date ba talaga ang nangyari sa kanila ngayong gabi.
“Sandy, hija, bakit nahihiya kang magtanong? Hindi ba, ang unang turo ko sa iyo noon, huwag na huwag kang mahiya na magtanong. Magmukha mang tanga sa iba, ang mahalaga, naitanong mo ang gusto mong malaman, ‘di ba? Mahuhuli ka talaga sa balita kung hindi ka magsisimulang magtanong!”
Natapos ang pag-uusap ng dalawa, at napagtanto ni Sandy na wala siyang dapat ikatakot sa pagtatanong patungkol sa intensyon ni Manolo. Mas magsisisi siya sa huli kung aatras siya sa pagtatanong tungkol sa kung ano ba ang gusto nilang marating matapos ang nangyari ngayong gabi.
Pagsapit ng bukang liwayway, walang humpay na nag-ring ang telepono sa kanyang silid. Mabilisang naligo at nag-ayos si Sandy, at sumabay sa sasakyan nina Manolo.
“So how did you guys meet?” bungad ni Giorgio sa dalawa. “Seems like the two of you are more than freelancing.”
Humalakhak si Sandy at nang-asar, “Ayan na, halata ka na…”
“Hey, come on, this is just Filipino hospitality right here-”
“Hospitality my ass mate!”
“We were student journalists in Manila! It was such a long time ago, Giorgy, but yesterday, our paths crossed at the hotel’s beachfront. I swear!”
“That’s cool! Now it makes sense why you skipped dinner yesterday, you smoking son of a gun!”
“Masyado ka na talagang halata…” bulong ni Sandy. “Hey Giorgio, does he act like this with other women?” na siya namang nagpamula ng mga pisngi ni Manolo.
“Seriously, Sandy, you’re asking Giorgy-”
“Nah shut up mate, she’s feistier than the other sheilas! You’re fucking doomed, casanova!”
“Huwag ka maniwala dyan I swear wala akong pinopormahan-”
“O bakit namumula ka-”
“Nah, just kidding! This bloke’s a gentleman even if he’s a fucking spunk in our office. So Sandy, lock him in yer basement forever so he’ll never bait those sheilas back home, or else, our racist and jealous men will cry that even the gays are going nuts for him-”
“Giorgy for Christ’s sake shut up-”
“Aba kinikilig sa pambubugaw ni Giorgio-”
“Because, in my opinion, mas malambing at maganda ka pa rin kaysa sa kanilang lahat.”
At nanahimik ang dalawa habang si Giorgio ay patuloy na nanghihingi ng pagsasalin at konteksto sa kung bakit biglang nabasag ang asaran.
Pagdating sa korte, inobserbahan ni Sandy ang pagkakaiba ng mga local at foreign journalists. ‘Di hamak na mas magaganda at mamahalin ang gamit ng mga foreign journalists, habang magkakasama namang nagtutulungan ang mga local journalists sa gilid.
Sa kabilang banda, nakatitig si Sandy sa kung paano mag set-up ng camera at mag-briefing sina Manolo at Giorgio ng mga dapat nilang gawin sa coverage. Habang tumatagal ang kanyang obserbasyon, mas nagtatalo ang isipan at puso ni Sandy. Gusto niya ba si Manolo, o gusto niya lang ang mga ginagawa niya sa trabaho? Gusto niyang kausapin ito, pero ayaw niya rin itong guluhin, lalo na’t masaya at minamahal nito ang kanyang ginagawang serbisyo.
Upang hindi magmukhang tanga, kinuha niya ang kanyang notebook at ballpen, at lumapit sa mga local journalists. Tinatagan niya ang kanyang loob, at nagsimulang manghingi ng mga opinyon patungkol sa biglaang pagdating ng mga foreign journalists sa kanilang lugar. Naka-relate si Sandy sa mga hinaing ng ilang mamamahayag.
Nasaan nga ba ang mga correspondents na ito kapag pinag-uusapan ang problemang climate change, immigrant deportation, pagkawala ng mga turista sa isla at pagbaba ng kanilang ekonomiya noong pandemya, o ang kanilang komplikado na US citizenship status, na kung saan maski pagboto sa Presidente ng Amerika ay ‘di nila magawa dahil sila’y isang US territory lamang?
Gayumpaman, nagpapasalamat sila sa exposure na natanggap ng kanilang kapuluan dahil kay Assange. Kampante sila na ang mangyayaring paghuhukom sa kanilang isla ay babalik-balikan ng susunod na henerasyon ng mga mamamahayag.
IV.
Matapos ang ilang oras na paghihintay, dumating na rin si Julian Assange. May iilang periodista, gaya ni Giorgio, na nakapasok sa loob upang manood at obserbahan ang paglilitis. Pero para kina Sandy at Manolo, hinintay nilang matapos ang paglilitis sa dalampasigan malapit sa korte.
“I still hate how this case will end. Mali bang ipakita sa mundo na lahat ng bansa ay may tinatagong baho at kalokohan?” pagtatanong ni Sandy habang kinakain ang musli bar na ibinigay sa kanya ni Manolo.
“Laws versus ethics, Sandy… Sad reality about this verdict, it solidifies that journalists can be charged for sharing the truth with the public.”
“Wala eh, tabla talaga tayo kapag ginawa natin nang tama ang pagiging watchdog. Highest award for journalism, not a Pulitzer or Nobel, it’s jail time or a bullet in the head!” na nagbigay naman ng halakhak kay Manolo. “Bakit, totoo naman ah?”
“Now I understand why hindi ka pwede maging journalist, you’re speaking too much truth!”
Nang lumipas ang kanilang pagtawa, hudyat na ito para kay Sandy na tanungin siya nang masinsinan.
“So paano ba ‘yan, after this, are you guys returning to Australia?”
“Most likely, yes… Might take the earliest flight out coz I have a lot of work pending in the newsroom.”
“I see… Ah, Manolo-”
“Alam mo, when I saw you talking with the local journalists here in Saipan kanina, I sometimes wonder, what if the Duterte admin renewed your network’s franchise, what more pa ang kaya mong magawa if you continue with this field.”
Hindi na niya alam kung paano sasagutin si Manolo, at kung paano rin ipapasok ang gusto niyang tanungin kagabi pa.
“Thank you…” sagot ni Sandy. “I also love how your passion radiates whenever you work with the camera and how you direct Giorgio kanina.”
“Sandy, I think you should try again, you look perfect for the job-”
“Wow, as if it’s easy to decide that! Look, we’re different, Manolo. One of the deadliest countries for journalists ang Pinas, and even if I want to go back with what I really love, hindi ko kayang gawin ‘yon dahil naka-asa pa rin sa sahod ko ang magulang at mga kapatid ko.”
“Right… I shouldn’t have said that, sorry…” sabay tayo at paglalakad nito papalayo.
“Wait, hindi ako galit-”
“Alam ko, don’t overthink about this-”
“Can we just stop talking about our fucking careers and know more about us… Yung ikaw, yung ikaw mismo, tapos ako, kung sino ba talaga ako… Shet, gets mo ba?! Manolo, I want you to stay dahil ayokong umalis ka nang ‘di man lang natin nata-try if our potential dating set-up will work. I don’t want to be too direct because I don’t know, maybe you already have a lover back home or you’re more focused on your career, and I also don’t want to be selfish and beg you to stay like what I am doing right now.”
“Sandy we just had dinner last night, I want you to calm down-”
“No! No, sagutin mo nga ako nang deretsahan, were you interested in me, the moment that you approached me yesterday?”
Napakagat na lamang ng labi si Sandy nang hindi na niya mapigilan ang kabig ng bibig. Tirik ang araw sa pagitan nilang dalawa, pero kasinglamig ng simoy ng dagat ang mga titig ni Manolo na napapaisip nang malalim.
“What if I said yes-”
“Anong what if eh simpleng yes or no lang ang sagot!”
“Okay fine, my gut feeling wanted to approach you the moment that I saw you all alone at the beachfront yesterday. Are you happy now?!”
“Eh bakit ayaw mong mag-stay? Manolo, tangina, walang gray area dito!”
“Because I hate rushed things, Sandy. I hate not anticipating what the fuck will happen in the next few hours, days, weeks, you name it! The problem with us is that you’re spontaneous. I did not expect you to be here, not at all, you were even at the very back of my head bago mo pinaalala yung nangyari sa atin noon! Hindi ko alam kung paano ko iha-handle yung feelings ko sa’yo right now, and then, you’re asking me to stay suddenly because of what? To know more about us? Sandy, the decision you’ve been asking is overwhelming, okay?! Hindi na tayo bata! Our careers are part of our lives, you cannot cross that shit out of our conversations!”
“Bullshit, ang hipokrito mo rin eh no? Parang kanina sinasabihan mo na ako na mag-try ulit sa pagiging journalist tapos ikaw pa ang ayaw sa spontaneous decision, talaga lang ah? What a fucking dissonance-”
“Because I couldn’t think of any way to persuade you to come back with what your passion is, so that we can have a bigger chance to meet again. Sandy, after hearing your story and seeing you work in the field, ako ang naaawa na hindi nagagamit yung galing mo! I want to work and collaborate with you someday, but because of our circumstances, I know, that once you go back to Dubai as a cabin crew, I will have a slim chance of seeing you again! This is nothing personal, consider this as a colleague’s advice.”
“Shet ka talaga, ano! Una sa lahat, did I even ask you to feel sorry for my misery? Ha? Ang sakit kasi na ipamukha mo sa’kin yung regrets ko sa buhay eh! It hurts more when- shet, Manolo, if I have the money and power to be in your position right now, and produce the news, I will do it, hindi mo kailangang ipamukha sa’kin yon!”
Sa pagpatak ng kanyang luha, hindi naiwasan ni Manolo na magsisi sa mga nasabi.
“This is nothing personal? After flirting and making me feel special, wala lang ‘yon? After telling me that you were interested in me, wala lang ‘yon? Naririnig mo ba sarili mo?! Ang sabihin mo, takot ka lang sa commitment! Sa sobrang takot mo, pati ako, tinatrato mong subject tulad ng Saipan! Na, after this coverage, once Assange leaves, you’ll also leave like nothing happened?!”
Ninais niyang yakapin si Sandy, ngunit tinulak lang siya nito palayo habang pilit na pinipigilan ang kanyang pag-iyak.
“Tapos, you’ll tell me that you like me, pero ayaw mong kilalanin ako ngayon because you hate spontaneous things coming into your life? Pero hindi eh, it’s not a valid reason, Manolo… Spontaneous or slow burn, it will never change at all because you do not trust me and my capabilities to make this work! Tama ka, hindi na tayo bata, and it’s not 2009 where I was the one fearing your sudden appearance in my life. Kasi ngayon, ikaw na yung takot, kaya sana pala, tinuloy-tuloy ko na lang ang pag-manifest na hindi kita makita ulit.”
Iniwan ni Sandy si Manolo na nakatitig sa malayo, hindi nagbabalak na lingunin siya at makipag-usap, kahit man lang sa kanyang mga mata.
Pagkabalik sa hotel, kahit mugto ang mga mata sa luha, ay nakiusap siya sa concierge na kapag may lalaking nangulit sa kanila na tawagan ang kanyang hotel room, huwag itong susundin kahit anong klaseng pakiusap pa ang gawin. At dahil naging close si Sandy sa mga Pilipinong nasa concierge, pinangako ng mga ito na susundin ang kanyang request.
Natulog nang mahimbig sa kwarto ang sawi. Pagkagising nito, wala na ang mga nagsisigawang mediamen, mga takatak ng laptop, at alingangaw ng mga portable printers sa katabi niyang kwarto. Nag-browse siya sa kanyang phone, at napag-alamang nakaalis na ng Saipan si Julian Assange. Tapos na ang drama ng kanyang buhay, panahon na upang maghapunan sa baba.
Tama ang kanyang hinala, daig pa ng hotel ang horror house sa sobrang tahimik ng lobby. Maya-maya’y umingay ito saglit dahil sa pagdating ng mga turistang Hapon na kagagaling lamang sa airport. Dumeretso si Sandy sa buffet area ng hotel, at mapayapang kumain ng pagkaing Chamorro gaya ng Chicken Kelaguen, Empanada, at Titiyas.
“Can I sit here? Please?”
Nagkatitigan muli ang dalawa. Hindi nila mawari kung paano babasagin ang katahimikang bumabalot sa dining area. Naka-casual attire si Manolo, at tanging ang platong puno ng pagkain mula sa buffet ang bitbit. Iginala ni Sandy ang kanyang paningin upang hagilapin sa paligid ang correspondent nitong kasa-kasama, pero silang dalawa lang ang nasa paligid.
“If you’re looking for Giorgio, he’s on the plane to Sydney.”
“Paano yung equipments niyo? Ano, siya lang magbibitbit eh andami non? That’s quite irresponsible for a producer.”
“Nah, he’s a grown-ass man. He can handle it, and besides, he’s flying with some Aussie journos, too… He can ask them for help,” sambit ni Manolo habang ibinababa ang plato. “Now, please, can we talk?”
“Ayoko nga!” pagsisimulang taray nito. “‘Di na talaga ako iiyak sa harap mo, sinabihan mo pa ako dati na panget umiyak!”
“Huwag ka na magtaray please, tayong dalawa na nga lang kumakain dito oh…” Dahan-dahang siyang umupo sa harap ng dalaga at sinimulang hipuin ang mga kamay. “Please, Sandy, talk to me, and I am sorry for what happened kanina…”
“So ano, pinagplanuhan mo na ba, ha? Just make sure that this will work.”
“Let’s just say, being spontaneous is great sometimes, and I’d rather ditch my flight than let go of a woman who is so confident to ask me if I remember how I wrestled against her on some wooden stairs back in Manila,” na siya namang nagpabalik ng kanilang mga tawa. “I have fallen for you, Sandy, deeply fallen. Weird to say, but I love your honesty, and that is what I have been looking for in a long-term relationship.”
Walang atubiling niyakap ni Sandy ang nagsusumamong binata.
Sambit niya habang hinahaplos ang buhok ng dalaga, “You see, I made a wrong judgement about our lives before, but what I am about to do might probably, let it stand, because I do not want to change anything from us.”
Sa unti-unting pagdikit ng kanilang mga mukha, naalala bigla ni Sandy ang lagi niyang isinusulat kapag nagkakamali siya ng pagwawasto sa mga artikulo.
“Let it stand? Stet?!”
“Oh, come on, nawawalan na ako ng pick-up lines-”
“Then shut up as I teach you how to place stet correctly-”
“Hoy!”
Mabilisang sinunggaban ni Sandy ng halik sa labi ang binata, na kanilang itinuloy sa sandaliang pagdampi, at kinalauna’y unti-unting paglapat ng kanilang mga labi.
Sa mundo ng pamamahayag, stet! ang simbolo ng pagpapakumbaba sa mga bagay na inaakala nati’y mali, pero kalauna’y hindi naman pala dapat baguhin base sa unang pagtingin. Kaya sana, gaya nina Sandy at Manolo, ay mahanap mo na rin ang magiging katuwang na copyreader sa buhay.
Na sa dinami-rami man ng pwede niyong mapuna sa isa’t isa, handa pa rin kayong magmarka ng stet! sa inyong puso’t kaluluwa.